Tara na sa Zambales!
Ikaw, alam mo na ba kung saan ka lulugar?

Zambales, Philippines
Matatagpuan ang Zambales sa rehiyon ng Central Luzon ng Pilipinas. Ang kanilang pangunahing kabuhayan ay ang pagtatanim, na kung saan kinikilala ang lugar na ito dahil sa mga mangga na pumapanahon tuwing Enero hanggang Abril; ang pangingisda dahil sa mga malalawak na katubigan; at turismo dahil sa iba’t ibang maaaring pasyalan dito.
Sa larangan ng turismo, isa sa mga pangunahing pinupuntahan dito ay ang Subic Bay na kung saan matatagpuan ang mga naglalakihang mga barko. Mapupuntahan din dito ang Zoobic Safari, Inflatable island at mga waterparks. Ilan lamang ito sa mga magandang puntahan sa Subic. Ngunit, sa kaloob-looban ng Zambales ay may mga nakakaaliw na mga katubigan. May mga lawa, dagat, ilog, talon, at iba pa. Tunay ngang maituturing na kayamanan ang Zambales!

Pundaquit, San Antonio, Zambales
Sa San Antonio matatagpuan ang isa sa mga sikat na dagat na kinikilalang Pundaquit. Ang buhangin rito ay kulay abo hanggang itim at kung naaarawan, nagiging puti ang kulay nito. Ito ay dahil nahaluan ang buhanging ito ng pinong mga abo na galing pa sa pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991. Ngunit hindi lamang ito ang hatid ng Pundaquit, mula rito, maaaring sumakay ng bangka upang makatungo sa Isla ng Capones, Isla ng Camara, Nagsasa Cove, at Anawangin Cove.

Capones, Nagsasa at Anawangin
Mula sa Pundaquit, mahigit isang oras ang paglalakbay sa bangka upang makarating sa Nagsasa Cove, tatlumpung minuto para makapunta sa Isla ng Capones, at apatnapung minuto naman patungo sa Anawangin. Sa paglalakbay pa lamang, masisilayan na rito ang tunay na kagandahan ng kalikasan lalo na ng mga katubigan.

Isla ng Capones
Kahit na maliit lamang ang islang ito, kapuri-puri pa rin ito dahil sa taglay nitong kaibahan. Puti ang kulay ng buhangin, napakasariwa ng hangin, at nakakamangha rin ang kalinisan ng katubigan. Napakasulit ng pagpunta rito dahil sa kagandahang taglay ng dagat at ng kapaligiran.
Anawangin Cove
Isa ang Anawangin Cove sa mga pinakasikat na dinadalo ng mga turista. Kaya ang mga naninirahan dito ay talagang nabubuhay sa pangingisda at syempre, turismo. Simple lamang ang pamumuhay dito at wala pang gaanong talamak na modernisasyon tulad na lamang ng pagkakaroon ng signal. Dahil dito, magkakaroon talaga ang bawat isa ng oras upang mas maging konektado naman sa kalikasan. Pinapayagan din nila rito ang paggamit ng tent kung sakaling napag-isipan ng mga turista na dito na rin matulog.
Kinikilala rin ito sa napakaputing buhangin nito. Ngunit, bukod sa malinaw na dagat , mayroon pang ilog na nakatago kung kaya’t mas nakakaengganyo pang galugarin ang lugar na ito. Tunay ngang nakakaginhawang tanawin ang Anawangin. Marami ring magandang pagkuhanan ng litrato para sa inyong mga instagram! Halina’t magtungo rito!
Nagsasa Cove
Mas malayo ang Nagsasa Cove kumpara sa Anawangin. Kung kaya’t mas kaunti ang taong napapadpad dito. Sobrang simple ng kabuhayan ng mga tao rito. Nabubuhay sila ng pangingisda at pati na rin ng turismo. Sa sobrang simple ng pamumuhay, natutuuanan talaga ng pansin at oras ang kalikasan pati na rin ang mga mahal sa buhay. Sa kawalan ng signal, ito ay oportunidad upang matakasan ang lahat kaugnay sa teknolohiya.
Hindi lamang malinaw na katubigan ang handog ng cove na ito kundi pati na rin ang mga burol na kung saan maaaring lakbayin ito para masilayan ang buong Nagsasa. Nakakapagod man ang paglalakbay, mababawi naman ito sa masisilayang tanawin mula sa itaas. Nagsasa, Nagsasa, Nagsasa, puntahan ang isa sa mga kayamanan ng bansa!
Ito ang Zambales. Lugar kung saan hindi lang yung lugar ang makikilala mo, kundi pati ang sarili mo.

Lakbay na!
-
Janine Realin
Isang mag-aaral sa Saint Louis School Incorporated na nagnanais na ipamahagi ang kagandahan ng Zambales, kanyang probinsya. Samahan niyo akong tuklasin ang kayamanang taglay nito. Biyahe na!
Follow My Blog
Click subscribe mga pare para lagi kang updated sa aking mga blog.










